Home

Iginiit ng grupong Worldwide Fund For Nature (WWF) Philippines na hindi dapat awtomatikong ipasa sa konsumer ang magiging pasanin ng coal companies kapag naaprubahan na ang dagdag buwis na napapasailalim sa Tax Reform and Acceleration and Inclusion Act (TRAIN).

Sa inaprubahang bersyon ng bicameral committee, aakyat sa P50 ang coal tax sa unang taon, magiging P100 sa susunod, at tataas sa P150 sa 2020.

"Actually, talagang ginusto talaga namin na maipasa sana 'yung Senate version na P100 by 2018, P200 sa susunod at P300 sa 2020. Kasi nga...for 40 years, hindi umakyat ito at P10 per ton pa rin ang rate niya," ani Angela Consuelo-Ibay, pinuno ng Climate Energy Program ng WWF Philippines.

Pero babala ng Department of Energy (DOE), dapat nang asahan ang pagtaas ng mga bilihin dahil sa nakaambang pagtaas ng buwis. 

Hindi naman ito nagustuhan ng WWF.

"Kung tutuusin, dapat tinatanggal 'yang 'pass-through' na iyan kasi ang tax na ito is dapat tax on the production of coal. Dapat hindi na 'yan pinapasa sa consumer. Alam naman dapat ng business that they're dealing with dirty fuel so it's part and parcel of [the] 'polluters pay' principle," giit ni Consuelo-Ibay.

Ito ay reaksyon nila sa naging pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi na wala aniyang magagawa ang DOE kung ililipat ang pasanin sa konsumer dahil ang mga kompanya ay mayroong "business to run."

"Dapat ang ginagawa ng DOE is to ensure that the coal companies really do what is supposed to be [the law]... Sila, they have to tell the company to shape up."

Dapat din umanong busisiin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang anumang aplikasyon ng mga energy companies na pagtataas ng singil. 

"Actually, dadaan pa po talaga 'yan sa ERC. Hindi naman 'yan agad automatic... Titingnan pa rin dapat ng ERC kapag nanghingi sila ng raise kasi iyon naman talaga ang mandato ng ERC. Iyan dapat ay bantayan," paliwanag ni Consuelo-Ibay.

Dagdag nila, ang buwis naman ay magagamit sa mga proyekto ng gobyerno partikular na sa mga lubhang naapektuhan ng industriya ng coal.

Pagpasa ng bagong coal tax, senyales ng pag-usad

Hindi man nakuha ang isinusulong na buwis sa bersyon ng Senado, itinuturing naman ng WWF na "partial victory" ang ipinasa ng bicameral conference committee ng Kongreso. 

"In a way natutuwa naman kami, although feeling namin partial win lang talaga ito kasi siyempre babantayan pa namin kung si Presidente pipirmahan niya, although committed siyang ipasa 'yung buong TRAIN package," ani Consuelo-Ibay.

Dagdag ng WWF, isang senyales ito na umuusad ang Pilipinas sa pagsusulong ng "low-carbon development."

"Ang maganda nito, it sends signals sa fossil fuel industries, especially sa coal industry na you have to shape up, na ang inyong industriya kumbaga, malilipasan na 'yan because of the age of renewable energy. It also shows that the country is transitioning. Ito 'yung sinasabi nating low carbon development to greener growth for our country," saad ni Consuelo-Ibay.

Reference:

(December 12, 2017).  Coal companies di dapat ipasa sa konsumer ang dagdag-buwis: WWF. ABS-CBN News. Retrieved from http://news.abs-cbn.com/business/12/12/17/coal-companies-di-dapat-ipasa-sa-konsumer-ang-dagdag-buwis-wwf

DOE Website Feeds