Home

WALANG pumatol sa panawagan ni Atty. Vic Dimagiba ng grupong Laban Konsyumer na imbestigahan ang 
sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa.

Ang akala ko ay ito na ang umpisa upang kumilos ang Mataas at Mababang Kapulungan para 
busisiin ang limang linggong magkakasunod na ‘oil price hike.’
    
Ayon kay Dimagiba, dapat ay maglabas ng ‘show cause order’ ang Department of Energy (DOE) 
upang pagpaliwanagin ang mga kompanya ng langis dahil sa serye ng taas-presyo ng krudo at gasolina.
    
Dapat ay umeksena na rin ang Department of Justice (DoJ) at Philippine Competition Commission 
(PCC) nang malaman kung bakit pare-pareho ang halaga ng mga itinataas na presyo ng krudo kada linggo. 
Kailangang mabuko nang tuluyan ang nangyayaring ‘price fixing,’ sabi pa ni Dimagiba.
    
Sa limang sunud-sunod na linggong oil price hike, aabot na sa halos P3 ang nadagdag sa presyo 
ng gasolina at P1.75 sa diesel.
    
Mula Enero hanggang Nobyembre 2017, mahigit P4 na ang iminahal ng diesel at gasolina. Damay 
dito tiyak ang presyo ng LPG na gamit naman natin sa pagluluto.
    
Kasabay ng paghirit na imbestigasyon ni Dimagiba, kaagad ding sumagot ang DOE na ‘reasonable’ 
ang ‘oil price hike’ dahil tumaas din ang supply ng krudo sa labas ng bansa na labas din sa kontrol ng 
pamahalaan.
    
Sa ginawang ito ng DOE, nagmistula silang spokesman ng mga dambuhalang kompanya ng langis 
dahil hindi pa nga nabubusisi nang husto kung tama, angkop at makatwiran ba ang dagdag presyo, sila na 
mismo ang ‘bumaril’ sa panawagang imbestigasyon.
    
Malaki ang tiwala ng taumbayan sa Duterte administrasyon.
    
Balot man ng kontrobersiya ang kanilang giyera kontra droga, manhid na lang ang magsasabing 
hindi nila nararamdaman na kahit papaano ay ‘nabawasan’ na ang mga drug pusher sa kanilang komunidad.
    
Bukod sa ipinakitang sipag ng Pangulong Duterte sa nakalipas na 31st Asean Summit kung saan ay 
lahat ng ‘marathon meetings’ ay dinaluhan nito sa kabila ng taglay na edad, pati ang mga ‘head of 
state’ mula sa iba’t ibang bansa ay humanga sa kakaibang dedikasyon ni Digong maitaas lamang ang 
ekonomiya’t kabuhayan ng Pilipinas.
    
Si Digong lamang din ang gumawa sa kasaysayan ng bansa na pagbayarin ng bilyon pisong buwis 
ang business tycoon na si Lucio Tan, gayundin ang sigarilyong Mighty Corporation na pinagkukunan 
ngayon ng pondo ng pamahalaan para tulungan ang mga sundalong nakipaglaban sa giyera sa Marawi City, 
gayundin ang kanilang mga kamag-anak.
    
Sa mahigit isang taon pa lamang na pananatili sa puwesto ni Duterte, marami na agad  nagawang 
pagbabago  na malayong hindi hamak sa anim na taong ‘nga-nga administration’ ni Noynoy Aquino.
    
Ang tanong ngayon, bakit kaya hindi na rin magkaroon  ng giyera kontra sa pagtaas ng presyo ng 
gasolina at presyo ng bilihin?
    
Sa nangyaring limang magkakasunod na dagdag-presyo sa langis, imposibleng walang nangyaring 
‘overpriced’ at  monopolyado ng kartel mula sa mga dambuhalang kompanya ng langis.
    
Dahil monopolyado rin ng kartel ang pandaigdigang merkado, minamanipula nito ang presyo ng 
langis sa daigdig dahilan upang sumirit paitaas ang presyo sa mga lokal na sinusuplayan dahil sa 
malaking tubo at mapaglinlang na kuwentada ng mga kompanya ng langis.
    
Naniniwala tayong madalas ay artipisyal ang pagtaas sa pandaigdigang merkado upang sipsipin 
nang tuluyan ang kahinaan ng mga namimiling mahihirap na bansa, katulad ng Pilipinas.
    
Dahil kontrolado ng Shell, Caltex at Petron, ang tatlong  pinakamalalaking kompanya ng langis 
sa bansa ang halos 90% ng  pamilihan, kaya nilang magkontsabahan upang dayain ang presyo ng produktong 
petrolyo.
    
Hindi tanga ang mamamayang Filipino para hindi isipin na noon pa man ay may nakaimbak nang 
supply ng langis ang mga dambuhalang kompanyang ito, ngunit awtomatiko at agad silang nagtataas 
sakaling magkaroon ng kaunting paggalaw sa labas ng merkado.
    
Ang masaklap, kapag bumaba naman ang presyo sa pandaigdigang pamilihan o halaga ng dolyar, 
hindi naman nagbababa ng angkop na halaga ang mga kompanya ng langis.
    
Ang mga iskemang ito ay hinahayaan lamang ng pamahalaan dahil na rin sa maling batas ng 
deregulasyon. Sa kabila ng panggugoyo ng mga kumpanya, walang ginagawa ang pamahalaan upang pigilan 
ang mga pagtataas ng presyo nito.
    
At dahil mahal ang presyo ng gasolina at krudo, damay na rito ang patuloy na pagtaas ng presyo 
ng bilihin.
    
Dahil monopolyado ang produksyon mula umpisa hanggang dulo, kaya nilang magpatupad ng mga 
iskema kagaya ng transfer pricing, kung saan pinapatungan nila ang presyo sa kada dinadaanang proseso 
ng produksyon ng langis mula pagmimina hanggang pamamahagi ng supply sa merkado.
    
Maraming paraan na malaman kung anu-ano ang kalokohan ng mga dambuhalang kompanya ng langis na 
labis nagbibigay kalbaryo sa ating lahat.
    
Kung magiging seryoso lamang ang Pangulong Duterte na ipahalungkat ang lahat ng ito, tiyak na 
mabibigyan ng karampatang solusyon ang hindi makatarungang pagtaas na presyo ng langis sa bansa.
    
Panahon na rin siguro para repasuhin ang RA 8472 o Oil Deregulation Law dahil ito rin ang 
nagiging panangga ngayon ng mga mapagsamantalang oil companies para magkaroon sila ng walang humpay na 
monopolyo sa pagtaas ng presyo ng gasolina.
    
Importante ring ipabulatlat ang libro ng kanilang kalakaran patungo sa binabayarang buwis, 
gayundin ang pagsugpo sa malalang ismagling ng gasolina sa bansa.
    
Dapat ay magkaroon din ng sentralisadong pagbili ng langis at mga produktong petrolyo. Hindi 
iyong mga kompanya lamang ng langis ang nakagagawa nito na walang ibang hangad kundi pagkakitaan ang 
kakarampot na bulsa ng bawat taumbayan.

Reference:

Purificacion, M. (November 20, 2017). Dapat may giyera rin sa oil price hike. Journal Online. Retrieved from https://www.journal.com.ph/editorial/opinion/dapat-may-giyera-rin-sa-oil-price-hike

DOE Website Feeds